BHKJOURNAL_2015_00010: LUNA. POLITIKA. DIYOS. BAYAN. KABATAAN…

HL

LUNA. POLITIKA. DIYOS. BAYAN. KABATAAN.

Libert A. Ong (Brave Heart Kid)

September 28, 2015, 12:20AM-1:20PM (Cabanatuan City)

Isang Heneral ang nagbabalik mula sa nakaraan,

Muling binigyang buhay ng mga manunulat ng kasalukuyan;

Kanyang buhay ay lumitaw sa pinilakang tabing

At sa wakas, naipalabas ito sa bayan na kanyang huling hantungan.

Noong umpisa’y halos tanggalin ito sa mga sinehan,

Sapagkat mamayang sumusuporta’y kakarampot lamang;

Salamat sa biglang reklamo ng nakapanood na iilan

Sapagkat napakahusay na obra ay dapat lamang suportahan.

Naglabasan kung saan-saan ang iba’t-ibang suporta

Upang bigyang hustisya ang pelikulang ubod ng ganda;

Ito ang naging hudyat ng mga haka-haka

Na may sabwatan upang mapigil pa rin ang tagumpay ni Heneral Luna.

Bakit nga ba pagyabong niya ay parang sinadyang limitado?

Dahil ba mga lumikha nito ay walang sapat na pondo?

O baka naman may mga mataas na opisyal na ang damdamin ay tinamaan

Sapagkat konektado siya sa pamahalaang gahaman, ngayon o noon pa man.

Isa pang nakapagtataka ay ang ‘di pagpapalabas sa mga sinehan ng Cabanatuan,

Kung saan si Heneral Luna ay napakabrutal na pinaslang;

Salamat na lamang sa ilang may malasakit sa ating bayan,

Nagkaroon ng hakbang upang ito’y lubos na masilayan.

Naglabasan ang iba’t-ibang balita tungkol sa taglay nitong ganda

Kaya nga mga sinehan ay napilitang ibalik siya at may dagdag pa;

Kahit ilang araw lamang siyang namayagpag,

Tagumpay nito’y hindi na mababagbag.

Salamat sa mga sumuportang tunay na makabayan

Pati na rin sa mga nanood upang maki-uso lamang;

Palakpakan sa loob ng sinehan sana’y mula sa kabusilakan

At hindi lamang pagtataksil sa pamamagitan ng panlilinlang.

Bagamat umabot sa Oscars ang magandang pelikula

Hindi pa rin ito makakaiwas sa mga intriga;

Mas masakit sapagkat sariling mga kababayan ang humuhusga,

Tama nga si Luna sa mga nabanggit niya sa naturang obra.

“Bayan o Sarili?” – Kadalasan sarili ang sagot ng karamihan,

Gahaman sa pera, kapangyarihan at karangyaan;

Sa kaugaliang pag-una sa ating mga sarili bago ang bayan,

Daan sa kabiguan sapagkat sarili ang unang kalaban.

Sa Heneral Luna, naging makabuluhan muli ang kasaysayan,

Nakakalungkot lang ang ilang tanong ng mga kabataan;

Nagtanong sila kung bakit nakaupo lamang si Apolinario,

Mga iho at iha, siya nga si Mabini – ang tinaguriang Dakilang Lumpo.

Sana’y bukod sa mga “trending” na usap-usapan,

Maging maalam din tayo sa ating pinagmulan;

Huwag lamang puro internet at at telebisyon,

Buksan din ang mga aklat ukol sa ating nasyon.

Gayunpaman, kami’y naniniwala pa rin sa inyo,

Susunod na henerasyon na mamumuno sa bansang ito;

May mga pagkukulang man dapat pa rin pagkatiwalaan

Sapagkat sila pa rin ang pag-asa ng ating Lupang Hinirang.

Muli, salamat sa bumubuo ng pelikulang Heneral Luna,

Palakpakan at papuring suporta tatalunin ang mga pirata;

Ngayon puso nami’y nagkaroon ng panibagong pag-aalab,

Upang ang mga usapa’y hindi na puro Pastillas at Aldub!

Salamat din sa’yo Heneral Luna

Sapagkat pagka-Filipino mo ay tunay nga!

Salamat sa pag-aalay ng iyong buhay,

Sa bayan na puno ng iba’t-ibang salaysay.

Isang saludo ng tagumpay aming ibibigay

Para sa isang Heneral na tunay na may saysay;

Mga aral na natutunan namin mula sa inyo,

Patuloy namin yang ipapamuhay dito.

Sa nalalapit na pagtatapos ng sanaysay na ito,

Gusto ko lamang ihabilin ang ilang panuto;

Ipagpatuloy natin ang pagmamahal sa bayan at kapwa,

Sa isip man, sa salita o sa gawa.

Heneral, salamat sa muling pagpapa-alab ng mga damdamin,

Wala nang makakapigil sa silakbo ng mga puso namin!

Pagmamahal sa bayan ay muling nagbabalik ang ningning,

Dadalhin ito hanggang katapusan kahit na maging alabok na lamang.

Sa susunod na henerasyon ako’y nanawagan,

Ipaglaban ang bayang sinilingan hanggang katapusan;

Huwag na huwag kakalimutan kailanman,

Ang Panginoong Diyos, ating sandigan kahit saan man.

Muli, salamat Heneral at sa mga taong muling nagsabuhay ng kanyang tapang.

Korapsyon, trayduran, politikahan at kaplastikan, itapon na lahat ng iyan;

Muling itaas at iwagayway ang watawat ng Pilipinas.

I-alay din ang buong puso para sa ating bayan at sa Kaitaas-taasan.

Sa aking pagtatapos, ako’y muling nanawagan,

Gobyerno, Filipino, mayaman o mahirap, matanda o kabataan, tayong lahat magtulungan;

Suportahan natin ang mga Filipino sa lahat ng larangan,

Inuulit ko – sa LAHAT ng LARANGAN, hindi sa bulsa ng iilan.

Bayang kong Pilipinas, ika’y minamahal,

Sa Panginoong Diyos laging ipinapagal;

Tagumpay at pag-angat mo’y hindi na mapipigilan ng kahit na sino

Sapagkat handa kaming mamatay ng dahil sa’yo!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s