BHKJOURNAL_2012_0015: Salamat Kuya Jojo…

Nakilala ko si Kuya Jojo noon pang Pebrero ng 1999. Tagal na di ba?

Ipinakilala siya bilang isang youth leader ng isang organisayson na naglalayong tulungang ang mga kabataan upang makilala ang Panginoon at magkaroon ng tamang paninindigan sa buhay. At bukod dito siya ay ipinakilala sa amin bilang artista ng That’s Entertainment ni Kuya Germs.

Sa pagiging masiyahin at palakaibigan ni Kuya Jojo noong mga panahon na iyon, kami ng mga kaibigan ko na nagpunta sa kanilang pagtitipon na tinatawag na “Youth Jam” ay nakaramdam na tanggap kami sa lugar na iyon. Hindi siya naging suplado na inaakala namin na gawain ng mga artista. Isa si Kuya Jojo sa nagpaunawa sa amin na silang mga artsita ay tao din at maaring makasalamuha ng kahit na sino man.


Mula noon ay hindi na kami nawalan ng koneksyon sa isa’t-isa. Kahit nasa Baguio ako ng mahabang panahon, kami ay may komunikasyon pa rin ni Kuya Jojo at hindi niya nakakalimutang mangamusta. Lagi din niya ako pinagdarasal tuwing kami ay nagkikita at kahit hindi kami magkasama ay patuloy pa rin ang pagdarasal niya para sa akin upang gabayan ako ng Panginoon sa lahat ng aking gawain.

Pagkalipas ng ilang panahon ay nagbalik ako sa Nueva Ecija at medyo nangangapa ako muli sa aking lupang sinilangan sapagkat ang tagal ko itong nilisan. Ngunit salamat kay Kuya Jojo na unang lumapit sa akin at tinulungan ako sa maraming aspeto ng buhay.

Una niyang naitulong sa akin ay ang pagsama niya sa akin sa kanyang grupo upang makakilala ako ng mga bagong kaibigan sa Cabanatuan na mapapagkatiwalaan ko sa lahat ng larangan lalo na sa Espiritwal na aspeto ng buhay. Ito ang laging una kay Kuya Jojo – ang papurihan ang Panginoon sa lahat ng kanyang ginagawa. Pangalawa rito ay ang pagtulong sa mga tao upang mapalapit sa Panginoon at ipakita ang kabutihan Niya sa bawat nilalang.

Si Kuya Jojo din ang isa sa mga tumulong sa akin na makahanap ng trabaho para sa akin ng ako ay nagbalik Cabanatuan. Siya ang isa sa mga nagkonekta sa akin sa mga tamang tao. Natulungan din ako ni Kuya Jojo ng mga panahong nangangailangan kami at ang pinkamalaking tulong niya nga ay ang pagkakaroon ko ng trabaho. Natulungan niya ako ng lubos hindi sa pagbibigay ng monetaryong bagay ngunit sa pagkakaroon ng abilidad upang magkaroon ng trabahong makakatulong sa akin at sa pamilya na kaakibat lamang ang monetaryong bagay.

Malaki ang pasasalamat ko kay Kuya Jojo sapagkat tinuruan niya ako na hindi lamang umasa sa tulong ng mga tao – tinuruan niya ako na maging matiyaga, masipag at masigasig upang magtagumpay sa buhay na ito. Nagpapasalamat din ako kay Kuya Jojo sapagkat ang mga naituro niya sa akin ay tunay ko ngang nagagamit ngayon sa aking propesyon at natutunan kong mahalin ang aking trabaho sapagkat pinagtiyagaan talaga naming makamit ito.

Si Kuya Jojo din ang gumabay at nagbigay sa akin ng mga napakabuting mga payo ng mga panahong may problema kami sa aming pamilya. Itinago ko sa aking puso ang bawat salitang kanyang iminungkahi sa akin ng mga panahong yoon at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa akin ang mga payo na iyon at lubos talaga itong nakatulong upang makayanan kong makakita muli ng liwanag pagkatapos ng unos sa aking buhay.

Isa rin naging daan si Kuya Jojo upang matupad ang pangarap kong mapunta ng Ilocos at iba pang lugar dito sa North at Central Luzon. Tinulungan niya akong ibalik ang sobrang pagtitiwala sa Panginoon sa lahat ng aspeto ng buhay – sa Ispiritual, pinansiyal, emosyonal, pamilya at iba pa. At pagkatapos nga ng paglibot namin na iyon ay sobra ang aking pasasalamat sapagkat imbes na kunin ni Kuya Jojo ang glorya ay ibinabalik niya ito sa ating Panginoon.

Ang pinakamalaki talagang naitulong sa akin ni Kuya Jojo ay ng binigyan niya ako ng pagkakataon na muling bumalik sa aking misyon sa buhay upang ibahagi ang ebanghelyo sa mga kabataan lalo ang mga nasa paaralan na alam naming mga susunod na leader ng ating pamayanan, bayan, bansa at maging sa iba rin mga lugar kung saan sila ay magsisilbing ehemeplo ng susunod na henerasyon.

Sa pagtatapos ng aking kuwento, kabataan talaga ang tinitibok ng puso ni Kuya Jojo sapagkat mayroon siyang pangarap para sa mga ito tulad ng pangarap niya sa mga napagtapos niyang mga kapatid na ngayon nagtatagumpay sa kanilang mga larangang napasukan. Yoon din ang pangarap ni Kuya Jojo sa bawat kabataan na kanyang gustong tulungan – ang maging matagumpay sa kahit na ano pa ang tatahakin basta’t ito’y makakabuti sa kanila ang magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

Kuya Jojo, salamat sa lahat ng tulong at sa pagkakaroon ng pangarap na matagumpay para sa mga kabataan ng ng ating bayan. Higit sa lahat, salamat sa prinsipyo na iyong pinaghahawakan na tunay ngang magbibigay ng glorya at papuri sa ating Panginoong siyang nagbibigay sa iyo ng lakas upang magawa ang lahat ng iyong misyon at advocacy sa buhay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s